Maraming matututuhan sa pagbasa kay Teodoro T. Antonio, gaya ng kayraming komentaryo na ang nagtangi sa kaniyang panulaan at mapagpupukulan ng pagbasa.
Minsan nang inilarawan ang kaniyang tula bilang mahusay “sa pagtalakay sa paksa at hindi mabigat ang wika” (Cirilo F. Bautista). Kinapansinan din ang kaniyang panulaan ng “kakayahan sa paghawak ng paksa tungkol sa probinsiya at sa lungsod, na isang malaking kakayahan sa sinumang manunulat” (Bienvenido Lumbera). Inilarawan pa siyang “numero unong makata at nakatingala sa pulang bituin (Rio Alma) at “isang makata na hitik sa makabansang diwa” (Lamberto E. Antonio). Ngunit ang higit na interesanteng pagmulan ng rebalwasyon ay ang napansing “unceasing, almost relentless argument with the past” (Soledad S. Reyes) ng kaniyang mga tula, na higit pang paiigtingin ng napansing matalik na pagsisikap niyang pagtagpuin ang “traditional and contemporary,” (Observer Magazine) o malay na pag-uugnay ng “balagtasan tradition and the modernist stream” (Alfrredo Navarro Salanga). Bakit nga ba walang lubag ang panulaang Antonio sa pagbaling, pagharap sa mistulang maaninong katotohanan ng isang nakaraan habang nakatindig sa magulo at magalaw na ngayon? Isa lamang ang naiisip kong dahilan, at iyan ay may kinalaman sa pagpapahalaga niya sa anyo, siyang pinakabirtud ng kabuuang lawas panulaan ng batikang makata at pangunahing mambabalagtasan ng Sampaloc, Maynila.
Malakas ang hawak ni Antonio sa anyo bilang isang pamamaraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay. Kinailangan niya ito sapagkat ang kaniyang panulaan, na kaniyang pagtingin, ay talagang nakabaling sa pang-araw-araw na buhay lungsod at kabukiran, sa mumunting kibot ng karanasang pinagsasaliriko, sa maraming lumbay sa loob at labas ng bayan nating sawi. Maestro ng anyo si Antonio, mula pa noong maunos na panahon ng Unang Sigwa ng Dekada 70 hanggang ngayong masagitsit na panahon ng milenyal at milenaryong bilis. Sa ano mang panahon, kailangan ng tula ang tiyakang pagbakas ng linya, ang matalim na ulinig sa himig o musika, ang eksakstong pagkabig, pagsukat, lalo’t hinihingi ng kasaysayan na lumagpas sa hanggahan at paghahanggan ng personal ang bawat pakikisangkot. Ang anyo ay lupaing pag-uugatan ng paningin, ng mga pananaw-sa-sarili’t-daigdig. Sa ganitong paraan unang mailalarawan ang daigdig ng panulaan ni Antonio, na sinasabi ngang palagiang mabalasik na nakikipagtuos sa nakaraan bagaman nakaugat din sa isang ngangayuning kabihasnan. At may argumento para rito si Antonio: “hindi kadena ang kahapon na umaalipin,/ gumagapos sa pagsulong. Ito’y bukal ng tubig/ na pagsasalukan ng pag-unawa sa sarili.” Sa panahong pinupuspos tayo ng pagsalunga, pagtatatwa, at pagtalikod sa lahat ng ideya ng anyo, kamangha-manghang tinig ang mapakikinggan kay Antonio, tila palagiang nagdarasal na “huwag sanang maligaw sa istorya ng antok./ Huwag sanang antukin sa kasaysayan ng takot,” habang hinaharap ang munting tungkulin ng pagmalas sa mahahalagang danas pantao. Ang dalanging ito’y isang pag-aanyo ng mithing palaging maging gising sa bawat pihit ng kasaysayan—noon at ngayon—isang pagbaling sa daigdig. Ang pananatiling gising, malay, ay pagtindig para sa isang tungkulin, ang tungkulin ng makata.
At ano-ano ang katangian ng anyo, ng mga pag-aanyo ni Antonio bilang makatang nananalig sa ganitong tungkulin? Ang totoo’y hindi lamang ito mamamalas sa kaniyang kadalubhasaan sa tradisyonal na anyo na kinakatawan ang diwaing Balagtasista, ng kaniyang pagiging tubog sa katutubong kaisipan at salaysayin. Rabaw lamang ang anyong ito, artipisyo na naglalaman ng matikas at panloob na lawas na kumakatawan sa malalim na pagkakaunawa, kabatiran ng makata sa gawain niya bilang tao, bilang alagad ng salita. Sa “Sa Harap ng Makinilya”, ang talinghaga ni Antonio para sa pagsulat ay isang bangkay, at ang sinekdoke niya rito ay ang makinilyang “di maitipa ang mga letrang/ gugunita sa mga batang nilamon ng dilim/ sa paghahanap ng liwanag.” Wari bang kahit ang mga pinagbilinan ni Elias sa Noli ay nasawi’t di rin nakamalas ng pagsikat ng umaga. Kahina-hinagpis. Papaano, kahindik-hindik ang panahong pinagmumulan ng tula, at tigib ng panghihimok ang kaniyang persona: “Aminin na nating kailangang humarap/ sa tungkulin at pananagutan.” Ito ay dahil bagaman “patay” ang pagsulat, malamig at walang buhay, mararanasang tumitibok ito sa ahensiya sapagkat ito ang “nagwawasak ng tahimik na sandali,” sa sandali marahil ng “duguang papel/ ng kasalukuyan.” Ang sabi ng persona, “mahirap magtanong sa makinilya./ Mahirap kausapin ang makinilya./ Ilang sandali pa, siya na ang mangingibabaw.” Inihahalintulad ng makata ang pagsawata sa paghahari ng dilim sa pakikipambuno sa salita. Gamit ang salita, sinisikap ng makata na dulutan ng anyo ang kaniyang pagpapamulat, lalo’t “ang iba’y sumusuko./ Ang iba’y tumatakas.”
Maraming pagkakataong pinag-aanyo niya itong tagulaylay, lalo’t kapag naglilimas ng buhay ang mapaniil. Nakikini-kinita ng makata ang trahedya ng paglimot sa mga karaniwan—halimbawa’y sa mga obrerong nahulog sa gondola ng isang itinatayong gusali sa Makati. Tila siya si Elias, bumabaling muli sa mga bata—animo’y ang susunod na henerasyon—na “huwag sarhan ang kamalayan/ sa pagkatok ng gunita.” Hindi maglalalaon, kakamkamin din ng trahedyang ito ang matandang katapangan ng kabundukan, at bala ang magpapatahimik sa isang Macli-ing Dulag. Hindi rin ito pinalampas ng makata, at isinalaysay, ibinunyag. Nagtanong siya sa pamagat na bakit duguan ang tipak ng bundok, at inanyuan ang pag-usig gamit ang talinghaga ng pangungusap: “Ano’t bakit ang simuno sa maraming nagtataka’t/ panaguri sa maraming sumuri’t sumusubaybay/ sa usapin ng mga tribo sa Kalinga-Apayao.” Samantala, sa tangka ng maykapangyarihan na patahimikin nang ganap ang mga kabarong peryodista ng makata, tinatawag niya ang mga pangalan ng pinaslang—inaanyuan sa pamamagitan ng bigkas, na muling magpapabangon sa kanilang gunita upang maging “muhon ng poot at paniningil.” Hindi natatapos ang mga pagkasawi. Kaya’t wala ring patid ang makata sa kaniyang pagsasatitik ng kontemplasyon, paulit-ulit na tila refran ng kaniyang pahimakas para sa binitay na domestic helper sa Singapore: “Pagmumuni-muni ay lamig at init,/ Nanuot sa ating pandamang namanhid”; gayundin ang kaniyang gagawin para sa gurong napaslang dahil sa pagbabantay at mithing panatilihin ang kabanalan ng balota.
“Pero di nabuwal ang kabayanihan,” wika ng makata. Mahalaga ang pero rito bilang paggigiit ng potensiyal ng pagbalikwas. Sa mahabang kasaysayan ng paniniil, hindi lamang ang kontemporanyo ang kaniyang binalingan upang matagpuan ang mga birtud na di nabubuwal, tulad ng pagkabayani. Nariyang nagpamulto siya sa makasaysayang halalan sa Tejeros upang litisin ang sariling “masaklap na kapalaran” bilang isang Filipino. Dinalaw niya rin ang Dapitan upang papagsalitain ang pambansang bayani, na sa kasawiampalad ay “pinagdusa sa di ko pagkakasala” habang minimithi lamang ang “mabuhay na walang nang-aalipin,” at maging “panginoon ang sarili sa nais marating.” Kasayayan ang salalayan ng pag-aanyo ng makata upang masaliksik, matukoy, at matugis ang mga sanhi ng laksang pambansang pagkasawi ng kasalukuyan. Ang ngayon ay nagpupusod sa nakaraan, at nakikitang tungkulin ng makata ang muli at muling pag-usig sa saysay ng kasaysayan, at ng mga bayaning bumuo rito’t isinakatawan ang diwa ng pagtatanggol sa bayan. “Maraming batas ang itinarak sa katutubong lupa,” wiwikain ng isang persona sa isang marubdob na tula ng muling pagkilala sa mga sarili’t mitikong insureksyon sa nagdaan. Itong nag-iisang tinig, di maglalaon, ay magsasalehiyon at ihahapis sa isang kolektibong pamamaraan ang kaniyang pagkakakumag; sa huli, silang mga “insurekto ng talinghaga” ay nangangakong “lulusob at lulusob sa mga panahong/ tinatabunan nila ng bato at lupa/ ang mga salita’t talinghaga.” At mapaglaro rin kung minsan ang paglusob. Sa isang pagkakataon, umaawit ang persona sa saliw ng awiting “bahay-kubo”, hindi upang ikatalogo ang masaganang ani kundi ang pagkakalbo ng bakuran sa kamay ng sarisaring “halimaw”—mga halimaw ng pananakop. Sa isa pa, umaawit din ang persona ng masayahing awit-pag-ibig sana, lamang ay ikinakasaysayan nito ang pagkakapaibig ng mananakop sa bayang dinusta ang “dangal mo’t ganda,” mga birtud ding iwinaglit ng kasaysayan ng pagkakasakop. Sa isa namang laro sa bugtong ng alimango, sinikap niyang iligtas ang dangal na ito gamit ang pagsusuri sa kaloobang “pusali”.
Sa patuloy niyang pagsaksi sa kasaysayan, hindi maaaring manatili ang pag-aanyo ng makata sa rubdob at puyos, kaya’t inasahan niya rin ang siste at parikala upang ilahad ang matapang na tinutuya at tinutuligsa. Sa isang makasaysayang timpalak-pagandahan noong Dekada 70, agad niyang namalas ang posibilidad ng ironikong pagtugon sa kinoronahang dalaga mulang Espanya. Tila pinuputungan pa nga niya ang Espanyola, subalit pinapagmulto naman ang mga piging at pista, muli ng Noli. Ganitong diwa rin ang mamamalas sa paglalaro ng makata sa bukambibig na katimtiman ng dalagang Filipina, habang binibigyang-kakayahan ang babae-bilang-bansa na “mandurusta’y usigin” sa paghawak ng “patalim”. Hinggil naman sa mga kultural na ipokrisiya, nabalingan niya ang barong tagalog na aniya’y “damit din ng taksil.” At, upang patunayan ang sagad-sa-butong kawalang-katuwiran ng lipunan, binabalikan din niya ang gunita ng “Doon Po Sa Amin” upang animo’y isayaw, itanghal—at litisin—ang pagiging “bingi, bulag, pipi’t pilay” ng hustisya. Wari’y nagbabagong-bihis ang datihan na sa pag-aanyong maparikala ng makata, na buong katapatang inilalarawan ang kalagayang bayan. Sa pagbabalik-tanaw sa kilalang tanaga hinggil sa matapang na lumot at mapagmataas na tulos, sumasalok ang makata sa parikala ng pagkakaroon ng tinig ng mga munti at dinuhagi at iginigiit ang kakayahang makapagpalugmok, pagdating ng panahon. Ito ring parikala ang magiging daan niya upang pasukin, litisin ang kamalayang kolonyal. Sa isang tulang nagsusuri sa “panaginip” ni Mckinley, lumilitaw na ang habag ng Amerikano upang kalingain ang indio ay “dakila at marangal… (na) pagyurak sa ating dangal.”
Poskolonyal na taktika ang siste at parikala, hindi lamang para sa pagtugon at pagsasalita matapos ng pagkakapipi, sa habilin ni Gayatri Spivak, kundi para na rin huwag ganap na malansi’t maligaw “habang binubuklat ang aklat/ at nilalandas ang bukirin/ ng ating nagdaan at kasalukuyang kasaysayan.” Ang kasaysayan ng kolonisasyon at pagkakasakop ay isang matiyanak na maaaring makaligaw, kung walang malay sa palagiang isinasasantabi’t ipinagkikibit-balikat na “payo ng matatanda.” Sa bawat pagsisikap na hanapin ang sarili mula sa nakaraan, sa maraming anyo ng lunggating pambayan, hindi nakapagtatakang lagi’t lagi, ang “pagtuklas sa pinag-ugatang kahapo’y/ nakasabog na butil,” tila “karayom sa dayami/ ang paghahanap.” Itong karayom na ring ito ang gagamiting pambuo ni Antonio, sapagkat aniya, “diwa’t dibdib nati’y karayom din/ na magdurugtong sa nagkahiwa-hiwalay na butil ng danas,/ magsusulsi sa napunit na bandila ng pagkalahi.” Isang malay na nostalgia ang tumatahan sa mga tula ng makata, ganap ang pagkabatid sa sakit ng paggunita ng landas pabalik sa minulan. Kung kaya kahit sa tila pagbabalik sa isang payak na karaniwang danas sa harap ng dulang, ang ganitong anyo ng paglitis ay hinding-hindi mabitiwan sapagkat nahirati ang malay sa libong pagtitiis at kasalatan. “Naaalala ko’t nagugunam-gunam,/ ang tagpong nagtiis ang Amang at Inang,” wika ng persona, at biglang-bigla, ang dahop na paghahati-hati sa buntot at ulo ng isang pamilya sa hapunan ay nagsasaalingawngaw ng di nagbabagong lagay ng buhay Filipino—aba, gutom, bagaman hindi patay ang pag-asa. Sa huli, ang retorikong tanong na hindi binabanggit, hindi binibigkas ng mga tula ang siyang pangunahing birtud ng anyo, ng pag-aanyo ng makata. Walang takot sa pag-usisa ang mga persona sa kasalukuyang binabagabag ng ngayon. Mulang panahon ng pag-aaglahi hanggang sa yugto ng rotational brownout, hindi natinag ang makata na igiit ang tungkulin ng makata: ang “higit na unawain/ ang tao at ang daigdig,” habang ikinukuwintas ang “walang-katapusang paghahanap sa lumipas,/ gawing agimat sa pakikipagtunggali sa hinaharap.”
Noong 1948, naglathala sa Liwayway ang ama ni Antonio na si Emilio Mar. Antonio ng isang tula para sa kaarawan ng supling. May habiling mahalaga ang ama sa huling mga taludtod ng tula: Ikaw, sana, anak, ay maging dakila/ Na ikararangal ng Inang nagpala;/ Nawa’y lumaki kang bawat gintong nasa,/ Maukol sa iyong tinubuang lupa.” Ang matandang Antonio ay isa ring mahalagang makata at kilalang prinsipe ng Balagtasan, siyang masasabing kauna-unahang guro ni Antonio sa malikhaing panagimpan. Masasabing hindi nabigo ang ama sa pangarap, lalo kung pagbabatayan ang ating pagbasa. Sa murang gulang, tila naitindig na ang anyong pampanulaan sa malay ni Antonio, na nitong huli, ayon sa kaniyang kuwento, ay siya pang tagamakinilya ng mga sulatin ng ama. Mahalagang banggitin ang ugnayang mag-amang ito dahil tila ba itinakda nito, hindi lamang ang pagpapatuloy sa panulaan ng anak, pati na rin ang masinsinang pakikisangkot para sa ikagiginhawa ng tinubuang lupa. Sa kamalayang Teodoro Antonio, naroroong nananahan ang isang matulaing kakakuhang may kakayahang magtawa, manangis, magnilay, at magtaas ng tikom na kamao. Naroroon ding matatagpuan ang isang sariling ikinokompara sa “dayaming ngayo’y sinusunog/ nang maging pataba sa isang panahon.” Upang maging totoo ang pagdadalit na mga tulad nito sa kasalukuyan, kailangan ang kababaang-loob at pagbaling sa mapagligtas at kaisipang komiko: “Nananatiling malulusog/ ang pag-asa at pag-irog./ Pagkalahing binusabos/ naghimagsik at natubos.” Hindi kailanman isang personal na sining lamang ang pagtula para kay Antonio, isang anyo ng pagpapahayag ng sarili, na aniya’y kailangan ding dumaan sa pagkakadistrungka upang “muling sumariwa ang guni-guni.” Ang sabi ng isa pa niyang persona, lumilikha ng tula ang pagkakadusta. Upang manatiling matikas, malusog ang poetikong anyo sa harap ng sari-saring pagkakadusta, kailangan ng malalim na pagkakaunawa sa iba’t ibang pakahulugan ng anyo, kapag pinag-uusapan ito bilang isang malawak na posibilidad ng masining na pagtugon.
Si Teodoro Antonio ang guro natin sa anyo, at sa mga pag-aanyo ng tulambayan, noon, ngayon, at sa hinaharap.
Talasanggunian
Antonio, Teo T. Taga Sa Bato (Mga Piling Tula: 1973-1988, Pinalaking Edisyon). Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1991. Aklat.
_____________. Tilad na Dalit (Mga Piling Tula: 1973-1999). Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2003. Aklat.
_____________. Distrungka. Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 2011. Aklat.
