Quantcast
Channel: Louie Jon A. Sanchez » Criticism
Viewing all articles
Browse latest Browse all 9

Homage to Ophelia Dimalanta on St. Thomas Aquinas Day: Ang Inililingid ng Tula

$
0
0

Ang pagtula ay parang pagsasalin din, at ginagamit ko ang salitang “salin” dito, hindi lamang upang tukuyin ang sarili kong danas ng pagsasalin ng tulang “What Poetry Does Not Say” ni Ophelia A. Dimalanta, ang tulang nais kong pagpukulan ng pagninilay sa pagkakataong ito. Sa loob mismo ng proseso ng pagsasalin ng tula, mayroong naisasaling pagpapakahulugan sa atin hinggil sa kung ano nga ba ang inililingid ng tula, o ng tunay nitong lihim. Naisasalin sa atin hindi lamang ang malalim na kabatiran ng nagsasalita sa tula, ng persona, tungkol sa pangunahing katangian ng tula bilang pahiwatig: bilang isang orkestrasyon ng mga salitang nagsasadula ng kahulugang naglalahad ngunit nagkukubli, nagsasabi sa ganap na katahimikan nito, kumikilos at nagpapadama sa mga piniling pananatili. Ito naman talaga sa palagay ko ang daigdig ng tula: ang daigdig ng mga kontradiksyon. Kailangang nakalapag ang tula sa lupain ng samutsaring pag-uusig, ng kawalang katiyakan, ng maraming pagpopook at pagtutulad. Ang lupain ng tula ay ang madalas na pananahan sa gitna ng mga tagisan. Kaya kahit sa pagpapaliwanag hinggil sa kung ano ang hindi sinasabi ng tula, ang tanging naihandog lamang sa atin ng persona ay ang mga kaibhang palagiang tinatamasa. Oposisyon ang tawag natin sa mga bagay na ito, mga konpigurasyon sa isang istruktura ng pagpapakahulugan. Sa huli, nagiging ikatlong termino tuloy sa pagitan ng pagsasalaysay at paglilihim ang tula bilang pahiwatig—nagkakaroon ng tula dahil may pagpapakahulugang nalilikha sa pagtatambal ng dalawang pagtatagisan. Sa panahong tinatalikuran ang mga tradisyon, dumudulog tayo ngayon sa tula bilang bigkas ng kahulugan, at kahit na ang mismong salitang “kahulugan” ay isang pagpipigil (containment) ng salitang “hulog”, na wari ba’y siya mismong dahilan ng mga mithiing makaunawa; may lingid tayong hangad na huwag mabulid, mahulog sa di maaarok na kailaliman. Ang unlaping ka+ at hulaping +an ang nagiging makahulugang mga panaklong na naglululan sa katuturan, sa kabatiran. Ngunit ang atin mismong pagkatao ang nagpapagunita sa atin na palaging magiging nasa lamang ang pagkakatalos sa lahat; kaya masasabing may tula sapagkat tinatanggap natin ang ating pag-iral sa mundo ng mga pangarap pagkagagap at dalisay at nakapagpapakuyom na mangha. Palaging nagkukulang ang salita, magtangka mang lagumin ang lahat.

Ano nga ba ang lihim ng tula? Sa pagsasalin ng tulang ito ni “Ma’am Ophie”, kung tawagin namin siya noon, kaming kabataang manunulat na inaruga niya sa panahong itinitindig niya ang UST Center for Creative Writing and Studies, parang nasabi na niya ang lahat: “Sapagkat hindi nagsasabi ang tula;/ Naglilihim ito.” Datapwa sa isang banda, parang hindi rin, dahil nga “naglilihim ito.” Ito ang misteryo ng pagpapaliwanag ng tula na hindi maipaliwanag dahil kahit ang liwanag ng pagpapakahulugan ay nababasag sa kristalinong kariktan nito. Ang misteryong ito ay may kinalaman sa pagsasabi, at dahil nga gayon ay sa paglalahad ng tinig na umiiral sa ano mang tula. Nagkakaroon ng anyo ang misteryosong bagay na ito dahil binibigkas ng isang personang pangunahing kaisipan (o “prime mover”, sa wika ni Santo Tomas de Aquino). Sa klasikong tinuran, inilalarawan sa atin ang tinig sang-ayon sa pagtugon nito sa mga pampanulaang tendensiya—kapag liriko, may kalapitan at introspeksyong pinamamayanihan ng himig at madalas malapit sa mga poetikong anyo; kapag epiko, naglalahad ang nagsasalita hinggil sa mga pagkilos sa tagpuan ng panahon at espasyo; kapag dramatiko, nagsasakatawan at nagsasakamalayan ng katauhang karaniwa’y nagpapakilala o napapangalanan. Bago mag-usap hinggil sa kung ano ang hindi sinasabi ng tula ay unang usapin dapat ang kung ano ang nagsasalita. Kung si Virgilio S. Almario ang tatanungin, may “dalawang binhing butil ng tula” na makapaglalarawan sa ating tradisyonal na pananambitan—ang “paloob”, na kinakatawan ng bugtong, bilang isang sining ng “paglikha ng hiwaga mula sa alam na ng lahat”; at ang “palabas” na kinakatawan ng salawikain, na “paglagom ng isang katotohanan mula sa mga nalikom at sari-saring karanasang pambalana.” Maaaring magkaroon tayo ng isang eksplikasyon sa tinig ng tula ni Dimalanta kung susumahin natin ang epektong liriko nito, na nagdadalumat hinggil sa katangiang pampanulaan na nais niyang ipabatid sa isang kausap, halimbawa’y isa ring nagmamakata ng tila ba nag-uusisa sa isang maestra. May hiwaga ito, parang maysa-bugtong dahil nagapahiwatig gamit ang mga halimbawa at ilustrasyon, ngunit sa isang banda’y nagpapaliwanag nga’t parang masugid na nagtuturo—isang tanda ng papalabas at malasalawikaing himig. Pinagsasanib ng persona ang mga gawing ito ng pagsasabi upang isadula mismo sa pamamagitan ng pagsasakataga ang natatanging pagpapahalaga, pag-iingat, at pagpapabanal sa bagay na yaong “madaling malabag/ kaya nga’t talagang anong bilis/ na nakatatalilis mula sa mapanlagom/ na ministeryo ng tula…” Sadyang marunong ang personang ito sa pagpapadama at gumamit siya ng makapangyarihang mga imahen—mga sinekdoke (haplos, palipad-hangin, himig, pook, gunita) na mumunti bagaman matalik at tiyak na pinakaiibig. Pinaiiral ng persona ang bawat pagdama sa mga ito.

Ngunit nananatiling lihim ang lihim ng tula sa kabila ng napakaingat na pagninilay ng persona. Para rin siyang si Dimalanta, nang minsang usisain hinggil sa ibig sabihin ng tula: “Regarding poetry,” wika niya, “definitions can only be general and tentative, oversimplified, personal and at times, ambiguous. Attribute this to the essential ineffable nature of poetry.” Kahit sa kaniyang pagteteorya ng tula ay may gayunding pagdadalawang-loob ni Dimalanta: may sinasabi siya hinggil dito, ngunit tinatanggap niyang ang mga iyon ay nasa antas lamang ng munakala. May tendensiyang maging abstrakto at malabo ang bawat tangka, kaya sa tula, hinayaan ng persona na makumutan ang kaniyang paliwanag ng tapiserya ng mga imaheng nakapagtatanghal sa komplikadong pagbibigay saysay sa matulaing danas. Naririyang tinatawag ang gunita ng isang “puspos na kopita” na tinatagasan ng lamang “tumatabang/ talagang lumalabnaw para hanguin pa/ sa mumunting patak ng salita.” Naririyang bumabagting ito ng “marikit na himig” na nagpapagunita rin sa masuyong pag-ibig ng musikero sa kaniyang minamahal na instrumento, sa isang malamig na gabi. Isang maningning na konstelasyon ang isinamundo ng persona, isang daigdig ng mga walang-pagkaparam na mga kislap, pamumukadkad, at “paglulubid ng pahiwatig/ na umaahon sa pagkabunyag.” Kung titigigan ang mga ito bilang konpigurasyon, may hinala akong ang lihim talaga ng tula ay hindi lamang nakatanim sa mga naunang itinindig na kontradiksyon, kundi lalo’t higit sa paglikhang nagaganap sa tuwing nagniniig ang mga magkakasalungat. Kosmos ang lumitaw sa katabangang sisikapin pa yatang himurin dahil baka nga saying—“Mga puwang sa pagitan ng mga tala,/ Liwanag na di napaparam sa langit/ Kahit malaon nang lumubog ang buwan…” Matapos niyan, ang mga pag-usbong at paglitaw ng isang bagong lupain. Ngunit gaya ng persona at ni Dimalanta, nagmumunakala lamang ako. Sa kabilang banda, hindi ko rin nais mabunyag ang ano mang lihim ng tula. Mawawalan na ito ng bisa lalo’t binabali ang matulaing katangian. Hindi naman lahat ng lihim ay kailangang ibunyag, at may mga tulad nitong nararapat na lamang hayaang manahan sa mga distrito ng ating pagtataka. Naroroon kasi ang kagaanan, ang linamnam, ang bait, ang liwanag ng danas.

Kaya sa ehersisyong ito ng pagsasalin, ano nga ba ang maisasalin sa ating kabatiran hinggil sa “lihim ng tula”? Sa panahon ngayong pinagdududahan ang lahat, lalo na ang Kahulugan, na mahulang ng Katotohanan, hindi dapat natin agad-agad na pinasasalamatan ang mga bulaang paham na may ebanghelyong wala nang kahulugan. Para na rin itong pagsasabing wala nang lihim, at lihim ng tula. Nang nabubuhay pa si Ma’am Ophie, kapapansinan siya ng masugid na pagbaling sa teorya, lalo na sa teorya ng mga rusong pormalista—paborito niyang binabanggit at sinisipi halimbawa si Roman Jacobson. At may hinala ako noon, sa pagbabasa-basa sa maraming sulatin niya, na babad siya sa mga pananaw na teoretikong kinalululungan ng marami sa atin ngayon. Hindi ko ibig makipag-away, ngunit nahihiwagaan ako sa pagkaligta ng marami ngayong naniniwala sa isang uri ng panulaang walang pangungusap—na ang ibig sabihin ko’y parang walang konsepto ng pakikipagtalastasan at nahihirati lamang sa sari-sarili’t sila-silang diskurso. Nakakaligta ang marami sa atin ngayon sa saligang katuturan ng tinig, na may pag-aabot ng kamay at pakikipagkapwa sa isang tagapakinig. Sa espiritu ng pagiging pangungusap (o sentence) ng isang tula, ang mismong istruktura ng pahayag, na may simuno at panaguri (subject at predicate) ay pagkakapwa ng kahulugang nakasandig sa dinamiko ng talastasang pambalana. Ang pangungusap ay hindi nagiging pangungusap kung hindi umiiral ang nagpapadala ng pahayag at ang tumatanggap. Si Jacobson na ang nag-iskema sa atin iyan. Gayundin ang paniwala ko hinggil sa tula, na sa ngayo’y may sentensiya (sentence din sa Ingles) ng kawalang-kahulugan dahil nagwakas na ang umano’y tiraniya ng kabuuan. Kaya masayang magsisigaw ngayon ng mabuhay ang pragmentos, ang dalumat higit sa anyo, ang aksidenteng matulaing danas, ang imprudensiya! Ang hindi natin alam, ang mga ito’y pawang mga pag-aanyo lamang, mga konstruksyon ng ating pos-istruktural na karanasang nagbibigay-daan sa hindi pa nating matiyak na pagbubukang-liwayway ng masayang, masayang posmodernismo. Ang pandiwang gamitin ngayon ay pagbubura (erasure), at siyang-siya ang marami sa atin sa iba’t ibang anyo ng panlilipol na ito. Sa nasang maging malaya at paninikil ng mga kawalang-katakdaan (absolute), nagtitindig din ito ng isang opresibong ahensiya ng dunong na pumapaslang sa mga pagpapakahulugang maaari sana’y maging kasangkapang-bayan na makatutulong sa balana na maipaliwanag ang mga bagay-bagay hinggil sa sarili, paligid at sa buong daigdig. Muli, ang tugon ng persona, na tiyak namang si Dimalanta rin, “(s)apagkat hindi nagsasabi ang tula;/ Naglilihim ito.” Nagkakaroon tayo ng nasang magpakahulugan dahil sanay tayo bilang kultura na tumuklas ng lihim. Ang mga lihim na iyan ay nakakintal sa kamalayang-bayang isinasalaysay ng ating mga bugtong at salawikain, halimbawa. Buhay na buhay sa tulang Dimalanta na ito ang mga katangiang masasabing tunay sa lupaing Filipino, sa ating arkipelahikong kamalayang likas na kalat-kalat tulad ng mga isla nito, at ulit-ulit na nagtatangkang buuin kahit sa haraya ang mapanghahawakang kabansaan. Bago pa man natin nakilala ang dulce et utile ni Horacio, may tamis na’t saysay ang tula—at iyon nga ay ang pagtuklas sa ano mang nakatatag nang nagsasamahiwaga, at muling pagbabalon sa karunungang pambansa. Batid kong hindi natin masasawata ang pagpasok ng maraming bagong ideya—at maganda ang mga ito sa isang banda—ngunit kailangan din nating panatilihin ang ano mang anyo ng kaakuhang tumitibok sa ating pag-aanyo. Sa aklat na Love Woman (1998) kung saan matatagpuan ang tulang pinagninilayan natin ngayon, isinakatuparan ni Dimalanta ang katangi-tanging pagsasanib ng personal at makasaysayang salaysay ng isang tinig-babaeng nabubuhay sa mga pag-aanyong totoo pa rin naman sa ating panahon. Ang tinig na ito’y hindi nakaligta kailanman sa kabila ng kaniyang matalim na pagbaling sa daigdig, matalinong pagninilay, at bisyonaryong pagtalakay. Naisaloob ng tinig na ito ang saysay ng pangungusap bilang tula, at ng tula bilang pangungusap.

Sa huli, nais kong igiit na ang mabisang pagsasalin sa ano mang akda ay mabisang pagbasa sa mga kahiwagaan ng mga ito. Hindi ko bibigyang ng tiyakang hubog ang aking konstruksyon ng “mabisang pagbasa” dahil tayo naman lahat ay may sari-sariling kakayahang pampanitikan na kinakasangkapan sa tuwing nahaharap sa mga akdang pampanitikan. Nagsasalin ako ngayon hindi lamang upang ibunyag, kahit na papaano, ang lihim ng tulang ito ni Dimalanta, na baka karamihan sa atin dito’y baka hindi na nakaharap o nakilala. Nagsasalin ako sa pagtatangkang higit nating mauunawaan ang pagtula sa pamamagitan ng pagsasalin ng kaalamang lumilitaw sa gawaing ito ng muling pagtingin sa tula sa ibang wika. Hindi lamang tayo nagtuon ng pagbasa sa mekanismo nito, bagkus sa mga pahiwatig na siyang kinasangkapan ng makata para maisakataga ang kaniyang pananaw hinggil sa usapin ng paglikha at pagtula. Isinangkot ko si Ma’am Ophie sa pagkakataong ito hindi lamang dahil nasa UST tayo at kailangan nating isapuso ang kaniyang mga sulatin; makata siya ng mga birtud na kailangan nating maunawaan, mga birtud ng bait at kahusayan, at pagiging malapit sa mga lupalop ng kaniyang pangungusap, na atin din namang mga lupalop sa mula’t mula. Isinasalin ko hindi lamang ang kaniyang mga pangungusap, kundi pati na rin ang kaniyang mga pangungusap, mga paniniwalang pansining na nagagabayan ng kamalayang pambayan. Ang problema kasi sa marami sa atin, nabuburang madalas sa ating malikhaing ekwasyon ang konteksto na kailanman sa palagay ko’y hindi tinalikuran ng ating pinakamamahal na makata. Sa huling bahagi ng tula, binibigyang-diin ng persona na “(k)aya ang tula’y maaari lamang maghayag/ O magtatwa, tulad ng pag-ibig.” Palaging bumabalik si Dimalanta sa pag-ibig bilang pangunahing dahilan ng lahat, at sa kabila ng ating sari-saring paghahayag o pagtatatwa—sa sining man o sa kahulugan—tatayain pa rin tayo sa kahuli-hulihan, sa lalim at lawak ng ating mga piniling pag-ibig. Sarap sanang magsisigaw ng natagpuan ko na ang lihim ng tula, ngunit tumatalilis lamang ito, tulad ng maraming pananalig.

ANG LIHIM NG TULA
Salin ko ng “What Poetry Does Not Say” ni Ophelia A. Dimalanta

Lahat ng sarikulay ng pinakatatago
Pinakamahalaga pinakaiingatan
Ay pinakabanal, madaling malabag,
Kaya nga’t talagang anong bilis
Na nakatatalilis mula sa mapanlagom
Na ministeryo ng tula: isang haplos,
Isang palipad-hanging maririnig lamang
Ng pandinig-malay, isang himig,
Isang pook, sumpong ng gunita.

Sapagkat hindi nagsasabi ang tula;
Naglilihim ito. Ang magsabi
Ay magpinid, magpigil,
Ang di pagsasabi’y pagbubukas
Sa di matiyak bagaman nananahan.
Pag-iral ng hindi nagagagap,
Na talagang ikinukubli

dahil ang pag-ibig bilang puspos na kopita
ay umaapaw at dahil doo’y tumatabang,
talagang lumalabnaw para hanguhin pa
sa mumunting patak ng mga salita.
Ngunit, maaaring bumagting ito
Ng marikit na himig, kung saan
Napayayabong ng inililingid
Ang ano mang bumubulag sa salita:
Mga puwang sa pagitan ng mga tala,
Liwanag na di napaparam sa langit
Kahit malaon nang lumubog ang buwan,
Mga sandali ng paghimpil,
Paglalantad ng papabukad na bubot,
Paglulubid ng mga pahiwatig
Na umaahon sa pagkakabunyag.

Sapagkat ang tula, tulad ng pag-ibig
Ay nalilipol din ang lakas
Sa aporia ng mapaglarong pagkatuliro
Kapag narating ang kaganapan,
Ang pusod ng kapayapaang
Masidhi bago magsa-uliuli’t
Maging isang pangako: Itong Isa o itong Iba?
Halik ng ligaya o kalabit ng kamatayan?,
Ipinahihiwatig pa rin ang maaari.
Kaya ang tula’y maaari lamang maghayag
O magtatwa, tulad ng pag-ibig,
May mga hinaing na tumatabing
Sa ano mang nasambit na, o hindi pa,
Di maabot-sabi tulad ng papatiyad
Na pagtakas ng bukang-liwayway… isang ngiti
Na hindi guguhit sa mga labi.



Viewing all articles
Browse latest Browse all 9

Trending Articles